Paano mag-apply ng voucher ang mga ALS graduates, ALS Reviewer Philippines

ALS A&E TEST PASSERS NG 2018, PUWEDE PANG DUMIRETSO SA KOLEHIYO, AYON SA DEPED ORDER 27, SERIES 2018

Puwede pa ring dumiretso sa kolehiyo ang lahat ng mga pumasa na sa ALS A&E Test sa taong ito, 2018. Kasama rin dito na puwede pang dumiretso sa kolehiyo ang mga kasalukuyang nag-aaral pa ng ALS sa taong ito ng 2018 na kukuha pa lang ng A&E test sa susunod na taong 2019, bastat silay makakapasa sa naturang pagsusulit. Sila ay maituturing pa ring bahagi ng lumang kurikulum ng ALS bago ganap na ipatupad ang bagong kurikulum sa 2019.

Niliwanag ito ng DepEd sa pamamagitan ng bagong lagdang DepEd Order 27, series 2018 na nilagdaan ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones noong Hunyo 8, 2018. Ipinalabas ang naturang DepEd Order sa gitna ng kalituhan sa panig ng mga mag-aaral at mga kolehiyo at unibersidad sa bansa kung dapat nga bang tanggapin pa sa kolehiyo ang mga pumasa ng ALS noong nakaraang Nobyembre 2017 at noong Marso 2018.

Ang DepEd Order 27, series 2018 ay susog sa DepEd Order No. 42, s. 2015 at resulta ng masusing pagsusuri sa mga kasalukuyang alituntunin ng DepEd sa pakikipagkonsultasyon sa Commission on Higher Education o CHED. Ayon kay Briones, hangarin ng DepEd na bigyan ng mas malawak na oportunidad at pagpipilian ang mga out-of-school youth at adults na gustong makapagpatuloy pa sa pag-aaral.

Dahil sa DO 27, lahat ng mga nabanggit na papasa sa A&E Test ay puwedeng dumiretso sa kolehiyo o unibersidad basta maipasa ang mga entrance requirements ng mga naturang paaralan. Puwede rin silang kumuha ng mga skills development programs na inilalaan ng TESDA at iba pang akreditadong pampubliko o pribadong training institutions. Kung hindi nila gugustuhing dumiretso sa kolehiyo puwede rin silang mag-enrol sa grade 11 at tapusin ang senior high school.

Kaugnay nito ang mga Schools Division Superintendents sa tulong ng Division Testing Coordinators ay inatasan ding mag-isyu ng High School Level Certification ng mga ALS Passers noong Nobyembre 2017 at Marso 2018 base sa Certificate of Rating o COR ng mga ito.

Para sa mga katanungan at paglilinaw kasama na rin ang mga requests para sa bagong kopya ng COR at kailangang isumite sa Bureau of Education Assessment (BEA) sa email na bea.ead@deped.gov.ph o kaya ay magsadya sa 2F Bonifacio Building, DepEd Complex, Meralco Avenue, Pasig City.

Sa pamamagitan ng DO 27, inaasahang maliliwanagan na ang mga kalituhan tungkol sa kung sino ang dapat na huling batch ng mga sakop ng lumang kurikulum ng ALS na maaaring dumiretso sa kolehiyo.

By: Edgar Manongdo

About the writer: The writer had been an experienced newswriter, radio reporter and news anchor for radio. In the past, he had served at DZSO, Bombo Radyo La Union and at DZNL Radio, San Fernando City, La Union, Philippines.


Source: http://deped.gov.ph/press-releases/ae-test-passers-granted-more-options-further-education
Download DO_27s.2018
Date Accessed: June 9, 2018